1. Ta, Sin. (Mga titik Ta, Sa. Ito ay isa sa mga milagro ng Qur’an at tanging si Allah lamang ang nakakaalam sa tunay nitong kahulugan). Ito ang mga Talata ng Qur’an, at ito ay isang Aldat (na naglalayon na ang mga bagay) ay maging malinaw.
1. Ta, Sin. (Mga titik Ta, Sa. Ito ay isa sa mga milagro ng Qur’an at tanging si Allah lamang ang nakakaalam sa tunay nitong kahulugan). Ito ang mga Talata ng Qur’an, at ito ay isang Aldat (na naglalayon na ang mga bagay) ay maging malinaw.
2. Isang Patnubay (sa Tamang Landas) at masayang balita sa mga sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa Islam).
3. Sila na nag-aalay ng Salah (takdang pagdarasal nang mahinusay), at nagkakaloob ng Zakah (katungkulang kawanggawa) at sila ay sumasampalataya ng may katiyakan sa Kabilang Buhay (Muling Pagkabuhay, Kabayaran sa kanilang mabubuti at masasamang gawa, Paraiso at Impiyerno).
4. Katotohanan, sila na hindi sumasampalataya sa Kabilang Buhay, Aming pinapangyari na ang kanilang mga gawa ay maging kasiya-siya sa kanila upang sila ay magsilibot na mga bulag.
5. Sila ang magkakamit ng masamang kaparusahan (sa mundong ito), at sa Kabilang Buhay, sila ang matindi ang pagkalugi.
6. At katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay tumatanggap ng Qur’an mula sa (Tanging Isa) na Tigib ng Karunungan, ang Ganap na Maalam.
7. (At alalahanin) nang sabihin ni Moises sa kanyang kasambahay: “Katotohanang ako ay nakapanagimpan ng apoy sa malayong lugar, ako ay mag-uuwi para sa inyo ng ilang kaalaman mula roon, o ako ay magdadala sa inyo ng isang nag-aapoy na bagay upang inyong mabigyang-init ang inyong sarili.”
8. Datapuwa’t nang siya ay pumaroon doon, siya ay tinawag: “Kinakasihan ang sinumang nasa Apoy, at kung sinuman ang nakapalibot doon! At Puspos ng Kaluwalhatian si Allah, ang Panginoon ng lahat ng mga nilalang.”
9. O Moises! Katotohanan! Ako si Allah, ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang Tigib ng Karunungan.
10. At iyong ihagis ang iyong tungkod! Datapuwa’t nang makita niya ito na gumagalaw na waring isang ahas, siya ay tumalikod na natatakot at siya ay hindi lumingon. (At dito ay ipinagbadya): “O Moises! Huwag kang matakot, katotohanang ang mga Sugo ay hindi natatakot sa Akin,
11. Maliban sa kanya na nakagawa ng kamalian, at matapos yaon ay gumawa na mapalitan ang kasamaan ng kabutihan, at katiyakang Ako ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.
12. Ipasok mo ang iyong kamay sa butas (daanan) ng iyong kasuutan (pababa sa iyong dibdib), ito ay lalabas na puti (walang anumang dumi o karahasan). (Ito ay ilan) lamang sa siyam na mga Tanda (na iyong dadalhin) kay Paraon at sa kanyang pamayanan, katotohanang sila ang mga tao na Fasiqun (mga mapaghimagsik at palasuway kay Allah).”
13. Datapuwa’t nang ang Aming Ayat (mga katibayan, kapahayagan, talata, tanda) ay dumatal sa kanila na maliwanag na makikita, sila ay nagsabi: “Ito ay naglulumantad na salamangka.”
14. At sila ay nagpabulaan dito (sa Ayat) ng may kamalian at kapalaluan, bagama’t ang kanilang sarili ay sumasang-ayon dito (alalaong baga, ang gayong Ayat ay mula kay Allah at si Moises ay isang Sugo ni Allah, datapuwa’t hindi nila ibig na sumunod kay Moises, at namumuhi sila na manalig sa kanyang Mensahe ng Kaisahan ni Allah). Kaya’t inyong pagmasdan kung ano ang kinahinatnan ng mga mapaggawa ng kasamaan (hindi nananampalataya kay Allah, sinungaling).
15. At katotohanang Kami ay nagkaloob ng karunungan kina David at Solomon, at sila ay kapwa nagsabi: “Ang lahat ng Pagpupuri at Pasasalamat ay kay Allah na nagturing sa amin nang higit (sa karamihan) ng Kanyang maraming alipin na sumasampalataya!”
16. At si Solomon ang nagmana (ng karunungan ni) David. Siya ay nagsabi: “O sangkatauhan! Kami ay tinuruan ng wika ng mga ibon, at sa aming lahat ay ipinagkaloob ang lahat ng bagay. Ito ay katotohanang isang Lantad na Biyaya (mula kay Allah)”.
17. At nagsipagtipon sa harapan ni Solomon ang mga lipon ng mga Jinn at tao, at mga ibon, at silang lahat ay itinalaga sa pag-uutos sa labanan (na nagmamartsa nang pasulong).
18. Hanggang nang sila ay sumapit sa lambak ng mga langgam, ang isa sa mga langgam ay nagsabi: “O mga langgam! Magsipasok kayo sa inyong tirahan, kung hindi, baka si Solomon at ang kanyang mga hukbo ay gumasak sa inyo, samantalang ito ay hindi nila napag-aakala (napapansin).”
19. Kaya’t siya (Solomon) ay ngumiti, na namangha sa kanyang (langgam) pahayag at nagsabi: “O Aking Panginoon! Bigyan (Ninyo) ako ng inspirasyon at ipagkaloob Ninyo sa akin ang kapangyarihan at kakayahan upang ako ay tumanaw ng utang na loob ng pasasalamat sa Inyong mga kaloob na inyong iginawad sa akin at sa aking mga magulang, at upang ako ay makagawa ng mabubuting gawa na makalulugod sa Inyo, at ako ay tanggapin Ninyo sa Inyong Habag na kasama ng Inyong matutuwid na mga alipin.”
20. Kanyang sinuri ang mga ibon at nagsabi: “Ano ang nangyayari sa inyo at hindi ko nakita ang Hoopoe? O siya ba ay isa sa mga lumiban?[46]