1. Sa Ngalan ni Allah
, ang Pinakamahabagin, ang Pinakamaawain.[1] Allah, ang personal o pansariling pangalan ng Dakilang Diyos. Si Allah ay hindi lamang Diyos ng mga Muslim bagkus Siya ang Tangi at Nag-iisang Diyos ng lahat ng mga nilalang sa buong santinakpan. Siya ay tinatawag na Eloha sa Hebreo, ang wika ni Propeta Moises (sumakanya nawa ang kapayapaan) at Elli sa Aramaik, ang wika ni Propeta Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang salitang Allah ay wikang Arabik. Sapagkat ang Hebreo, Aramaik at Arabik ay magkakapatid na wika, ito ay nangangahulugan lamang na ang Eloha, Elli at Allah ay isa at magkakatulad. Bagama’t ang salitang Allah ay isinasalin (sa wikang Filipino) na Diyos o (sa wikang Inglis) na God, ito ay hindi angkop na kahulugan at hindi naaakma sa Kanyang Kaluwalhatian. Ang salitang Allah sa wikang Arabik ay walang ganap o tuwirang kahulugan kung isasalin sa ibang wika. Ang salitang Allah ay nangangahulugan ng Tanging Isa, na Siya ay walang kahati o katambal sa Kanyang pagka-Diyos. Siya ay hindi maaaring iugnay sa mga iba pa na pinangalanang diyos, halimbawa, ang iba ay nagsasabi na si Hesus, ang anak ni Maria ay diyos, si Buddha ay diyos, si Krishna ay diyos, atbp.. Ang salitang Allah ay hindi maaaring paramihin upang magkaroon pa ng kasama si Allah, samakatuwid, si Allah ay hindi maaaring iugnay sa iba pa o maging pangmaramihan. Siya ay nananatili at namamalaging Isa at Tanging Isa. Pangalawa, ang lahat ng mga katangian at pangalan na ibinigay Niya sa Kanyang Sarili ay Kanya lamang at walang sinuman o anupaman na tinataguriang diyos ang maaaring mag-angkin ng mga katangiang ito tulad halimbawa ng Pinakamakapangyarihan, Pinakamaalam, Pinakamakatarungan, Pinakamahabagin, Pinakamapagpatawad, Pinakadakila, atbp.. Wala ng iba pa sa kalangitan at kalupaan ang maaaring mag-angkin ng gayong katangian. Ito ay para lamang kay Allah at wala ng iba. Dahil dito, bagama’t ang salitang Allah ay maaaring isinasalin sa ibang wika tulad ng diyos, dios, god, deus, atbp., ang mga Muslim ay nagpapanatili nang pagtawag sa Kanyang personal at orihinal na Pangalan na Allah upang panatilihin ang tunay nitong kahulugan at upang ipatungkol lamang sa isang Dakilang Manlilikha ng lahat ng bagay.